Itinanggi ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na siya ay espiya ng China at protektor ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kaniyang bayan.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Mayo 20, sinabi ni Guo na isa raw siyang tunay na Pilipino.

“Ako po, si Alice L. Guo, na nahalal na alkalde ng bayan ng Bamban, lalawigan ng Tarlac ay isang tunay na Pilipino sa puso, sa isip at sa gawa,” giit ni Guo.

“Hindi po totoo na protektor o nasa likod ako ng ilegal na operasyon ng POGO sa aming bayan.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Wala rin po akong natatanggap na anomang report sa aming munisipyo tungkol po sa mga gawaing kriminal, o labag sa batas sa loob ng POGO hub na pinatatakbo ng lisensiyado ng PAGCOR na Zun Yuan Technology, Inc. bago ito sinalakay ng mga awtoridad kamakailan,” dagdag niya.

Iginiit din ng alkalde na ang alam daw niya ay mayroong opisina ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa loob ng naturang POGO hub.

“Ang PAGCOR, bilang siya ang may kapasidad na magmonitor at magtaya ng anomang ilegal na online activities, ang may pangunahing responsibilidad upang i-red flag, o supilin ang anomang paglabag sa batas o gawaing kriminal ng Zun Yuan, o mga opisyales at tauhan nito.

Kung sakali pong may reklamong ipinarating sa aming kaalaman ay palagi pong nakahanda ang aming opisina at lokal na kapulisan upang umaksiyon. Kasi sinumpaang tungkulin po namin 'yan sa aming mamamayan,” giit ni Guo.

“Bahagi po ng aking sinumpaang tungkulin ang pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan ng Bamban, kasama rito ang anomang lehitimong pangkabuhayan para sa aming nasasakupan tulad ng maayos na trabaho, na siyang dahilan kung bakit ibinigay ko ang pahintulot ng lokal na pamahalaan para sa pagtayo ng negosyo ng Zun Yuan matapos magpakita ang nasabing kompanya ng dokumento na sila ay lisensiyado ng gobyerno-nasyunal sa pamamagitan ng PAGCOR. Mahigit 200 pamilya po sa aming maliit na munisipyo ang nagkaroon ng trabaho sa POGO hub, na kahit papaano' y medyo napag-aabot na nila ang mga pang-araw-araw na pangangailangan,” saad pa niya.

Matatandaang nito lamang ding Lunes nang sabihin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na inirekomenda na nila ang pagtatanggal ng kapangyarihan ni Guo na mag-deputize at pangasiwaan ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP). May kaugnayan daw ang kanilang hakbang sa umano’y pagkakasangkot ng alkalde sa POGO.

MAKI-BALITA: Guo, pinatatanggalan ng kapangyarihang pangasiwaan ang Bamban police

Samantala, sa naturang pahayag ay sinabi rin ni Guo na isa raw siyang “love child,” at ang naging karanasan umano niya noong pagkabata ang dahilan kaya’t hindi siya nakasagot nang maayos sa naging pagdinig ng Senado kamakailan.

MAKI-BALITA: Mayor Alice Guo, isa raw ‘love child’; inabandona ng inang kasambahay

Kinuwestiyon kamakailan sa Senado ang identidad ni Guo matapos umanong lumabas na wala itong school at hospital records.

MAKI-BALITA: Mayor ng Bamban, Tarlac, walang school at hospital records?