Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Mayo 20, na posible pa ring magkaroon ng bagyo sa bansa ngayong buwan ng Mayo.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na sa kasalukuyan ay wala silang binabantayan na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Gayunpaman, posible pa rin daw may mabuong bagyo at pumasok sa PAR ngayong buwan.
“Ngayong buwan ng Mayo, posible pa rin na may mabuo na atleast isang bagyo na maaaring mabuo o papasok sa loob ng [PAR],” ani Badrina.
Sa kasalukuyan ay ang shear line at easterlies naman daw ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.
Kaugnay nito, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Batanes dahil sa shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.
Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing lalawigan sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maalinsangang panahon sa tanghali sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
May tsansa pa rin naman daw ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms sa mga nasabing lugar, partikular na pagsapit ng hapon o gabi.