“Ano ba namang klaseng senador ‘yan.”
Pinatutsadahan ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, at iginiit na hindi umano nito kayang magpahayag sa purong Ingles at “nauutal” pa raw sa Tagalog.
Sa isang video nitong Miyerkules, Mayo 15, sinabi ni Gadon na “nami-miss” na raw niya ang mga senador na “mahuhusay,” “matatalino” at “magagaling.”
“Itong si Senator Bato Dela Rosa ay isipin n’yo naman, he cannot even express himself in straight English. At even Tagalog, mali-mali pa, o kaya’y nauutal pa,” patutsada ni Gadon.
“Ano ba namang klaseng senador ‘yan. Kaya dapat huwag nang gawing chairman ‘yan ng committee,” dagdag pa niya.
Si Dela Rosa ang chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kasalukuyang nag-iimbestiga sa umano’y nag-leak na dokumento mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasangkot kay Pangulong Bongbong Marcos sa iligal na droga.
Samantala, ang naturang patutsada ni Gadon kay Dela Rosa ay matapos niyang kuwestiyunin ang isinasagawang imbestigasyon ng komite, dahil dumedepende umano ang committee chair sa mga “sabi-sabi” at sa witness na si dating PDEA agent Jonathan Morales, na tinawag naman ng pangulo kamakailan na isang “professional liar.”
MAKI-BALITA: PBBM, tinawag na ‘professional liar’ si ex-PDEA agent Morales
Kaugnay nito, nanawagan si Gadon kay Senate President Migz Zubiri na tanggalin na si Dela Rosa bilang tagapangulo at miyembro ng komite, at dapat din umanong bayaran nito ang mga nagastos sa pagsasagawa ng nasabing mga pagdinig.
"Nananawagan ako kay Senate President Migz Zubiri na palitan, tanggalin na diyan sa committee na ‘yan si Bato dela Rosa dahil, nakita n’yo naman, wala naman talagang pinatutunguhan kundi gusto lang ay mag-create ng destabilization kay President Bongbong Marcos,” giit ni Gadon.
“Dapat ‘yang ginastos diyan sa hearing na ‘yan ay isingil, dapat bayaran ni Senator Bato dela Rosa. Walang kakuwenta-kuwenta,” saad pa niya.
MAKI-BALITA: Gadon, nanawagang tanggalin na sa komite si Sen. Bato
Samantala, matatandaan namang sa isinagawang pagdinig ng komite hinggil sa nasabing isyu ng umano’y PDEA leaks, kinuwestiyon ni Dela Rosa kung bakit “cocaine test” lamang umano ang ginawa kay Pangulong Marcos noong 2021 at hindi kasama ang iba pang uri ng droga tulad ng “shabu” at “marijuana.”
MAKI-BALITA: Sen. Bato, kinuwestiyon bakit ‘cocaine test’ lang ginawa kay PBBM noong 2021
Bukod dito, sa nasabing pagdinig ay inihayag ni Zubiri na galit daw sa kaniya ang “Marcos group” matapos niyang payagan si Dela Rosa na ipagpatuloy ang nasabing imbestigasyon ng komite.
MAKI-BALITA: ‘Marcos group’, galit daw kay Zubiri nang payagan si Dela Rosa mag-hearing