Niyanig ng magnitude 4.0 na lindol ang probinsya ng Surigao del Sur habang magnitude 4.1 naman sa Bohol nitong Sabado ng madaling araw, Mayo 11, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa ulat ng Phivolcs, parehong tectonic ang pinagmulan ng mga lindol.

Nangyari raw ang lindol sa Surigao del Sur dakong 2:39 ng madaling araw.

Namataan ang epicenter nito 80 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may lalim na 1 kilometro.

Ito raw ay isang aftershock ng nangyaring magnitude 7.4 sa lalawigan noong Disyembre 2, 2023.

Samantala, ayon sa Phivolcs, tumama ang magnitude 4.1 na lindol sa Bohol dakong 3:50 ng madaling araw.

Namataan ang epicenter nito 6 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Sagbayan, Bohol, na may lalim na 7 kilometro.

Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng naturang dalawang lindol.

Hindi rin daw inaasahang magdudulot ng pinsala ang mga nasabing pagyanig.