Hindi napigilan ng isang ama na buhatin ang kaniyang anak matapos nitong makapasa sa 2024 Civil Engineering Licensure Examination, hudyat na isa na siyang ganap na inhinyero.

Sa ulat ng Saksi ng GMA Network, naisipan ni Engr. Joel Robin Cachero na sorpresahin ang kaniyang ama, na halos dalawang dekadang naghahanap-buhay bilang tsuper ng pampasaherong bus.

Sa text caption ng ibinahaging video ni Joel, sinabi niyang nasa Maynila raw ang kaniyang ama para sa trabaho nang lumabas ang resulta.

Kaya pagdating daw nito, agad niyang sinabi ang magandang balita.

Human-Interest

Jeep pandagat na naimbento ng mekaniko, nagpamangha sa netizens

"Pa, engineer na 'ko," ani Joel sa kaniyang ama, pagkababa nito mula sa naghatid na motorsiklo.

"Ang sarap sa pakiramdam na may nagkakamay at nagko-congrats sa 'yo," ani Joel.

Makikita sa video na bukod sa hinalikan ng ama ang anak sa pisngi ay binuhat pa niya ito sa labis na tuwa.

"Ang daming sakripisyo ang pinagdaanan nyo makatapos lang ako ng pag-aaral," pagpapatuloy pa ng bagong inhinyero.

"Para sa inyo lahat 'to Pa. BABAWI AKO SA INYO! Mahal na mahal ko kayo!"

Makikita naman ang nakasabit na tarpaulin tungkol dito sa harapan mismo ng kanilang bahay.

Naantig naman ang damdamin ng mga netizen sa eksena ng mag-ama sa video. Bumuhos ng pagbati mula sa kaniyang mga kaibigan, kakilala, at netizens para kay Joel.

Bukod sa registered civil engineer ay registered master plumber na rin si Joel.

Congrats, Engr. Joel!