Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng Mindanao ngayong Martes, Abril 30, dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki raw ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Davao Region, Surigao del Sur, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dulot ng ITCZ.

Ayon sa PAGASA, ang ITCZ ay ang salubungan ng hangin mula sa Northern at Southern Hemisphere.

Samantala, nagpapatuloy naman ang pag-iral ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, dahilan kaya’t inaasahan pa rin daw ang mainit na panahon sa malaking bahagi ng bansa, kabilang na ang Metro Manila, maliban na lamang sa mga tsansa ng mga pulo-pulong pag-ulan.

National

ALAMIN: Mga sintomas ng heat-related illnesses at mga dapat gawin kapag nakaramdam nito

Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).