Nagbanta ang isang transport group na maglulunsad sila ng tatlong araw na nationwide strike sa susunod na linggo bilang pagtutol sa public utility vehicle (PUV) modernization program.

Sa pulong balitaan sa Quezon City nitong Sabado, kinumpirma ni Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) deputy secretary general Ruben Baylon, magsisimula ang transport strike sa Abril 29 at matatapos sa Mayo 1 (Labor Day).

"Ito ay kinakailangan nating gawin upang ipaglaban natin ang ating mga kabuhayan sa sektor ng transportasyon," ani baylon.

National

Bong Go, pinagtanggol si Ex-Pres. Duterte hinggil sa drug war: ‘Hindi ba kayo nakinabang?’

"Ang a-uno (Mayo 1), sabi nila, huhulihin na raw ang mga jeep. Karapatan ng mamamayang Pilipino na maglingkod sa sambayanan. Kung kaya, kahit na matapos ang deadline, hindi titigil sa pamamasada ang mga drayber at operator," ani Baylon.

Aniya, maaapektuhan ng protest actions ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Katipunan, at Philcoa.

Posible aniyang makilahok sa transport strike ang Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela).

Nauna nang inihayag ng naturang grupo resulta lamang ito ng kanilang pagtutol sa deadline para sa consolidation ng jeepney franchise sa Abril 30.