Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga magulang na dalhin na ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health centers at pabakunahan ang mga ito laban sa polio.

Ayon kay Lacuna, available na ngayon ang mga libreng polio vaccines sa 44 na health centers ng lungsod kaya’t dapat itong samantalahin ng mga residente.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Kaugnay nito, inatasan din ni Lacuna ang mga barangay officials ng Maynila na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na samantalahin ang libreng polio vaccines, na ipinamamahagi ng city government, sa pangunguna ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Pangan, na sinimulan ng city government ang pamamahagi ng libreng polio vaccines noong Abril 15 at ito ay magtatapos sa Mayo 15, 2024.

Ayon kay Pangan, ang mga maaaring turukan ng naturang bakuna ay yaong mga paslit na 59 buwang gulang lamang pababa.

Maaari naman aniya silang mag-entertain ng mga walk-ins vaccinees, ngunit mas mabuti kung magpa-appointment online kung nais mag-avail ng bakuna.

Samantala, hinikayat din naman ni Lacuna ang mga residente na bisitahin ang health centers ng lungsod upang matukoy ang mga libreng primary health care services na ipinagkakaloob nito.

Paalala pa ni Lacuna sa mga residente, huwag nang hintayin pang lumala ang kanilang karamdaman bago magpunta sa center at magpatingin.

Aniya, "Prevention is always better than cure. Tangkilikin ninyo ang ating mga health centers.  Pabakunahan po ninyo ang inyong  mga anak, apo o alaga."

Dagdag pa ni Lacuna, "'Wag na po kayong makipagsiksikan sa ospital, kung matutugunan naman ng health center ang inyong problema. Sila po ang magsasabi kung kailangang sa ospital kayo magpunta."