Opisyal na inanunsyo at inendorso ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang reelection bid nina Senador Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, at Francis Tolentino para sa midterm elections sa 2025.

Inihayag ang reelection bid ng tatlong senador sa ginanap na ika-42 anibersaryo ng PDP sa Cebu City nitong Biyernes, Abril 19.

Sa naturang pagdiriwang, sinabi ng nasabing mga senador na nais nilang ipagpatuloy ang kanilang nasimulan at panatilihin ang puwersa ng PDP sa Senado.

Bukod naman sa tatlong reelectionists, inendorso rin ng PDP ang aktor na si Phillip Salvador na nag-anunsyo rin na tatakbo siya bilang senador sa susunod na taon.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Samantala, sa kaniyang pahayag ay sinabi ni Dela Rosa na umaasa siyang madadagdagan ang kanilang puwersa sa senado sa pamamagitan ng pagtakbo ng kanilang party chairman at dating pangulong Duterte.

“Baka mamaya magbago ang isip ng ating party chairman. Kapag hindi siya tinatamad, baka gusto niyang tulungan kami doon para mas lalo tayong lalakas sa Senado,” saad ni Dela Rosa.

Matatandaang naihalal ang tatlong senador noong 2019 kung saan nasa pangatlo si Go sa mga nakakuha ng pinakamaraming boto, habang panlima si Dela Rosa at pansiyam naman si Tolentino.

Samantala, si Duterte ang pangulo ng bansa mula 2016 hanggang 2022.