Tinanggap ng aktor na si Phillip Salvador ang pag-eendorso at nominasyon sa kaniya ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na ginanap sa isang hotel sa Cebu City nitong Abril 19, na nasa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Tinatanggap ko po ang aking nominasyon para sa 2025 senatorial election," aniya.
"Mananatili po ako sa PDP hanggang sa huli kong hininga. Tandaan n'yo po 'yan. Maraming salamat po! Ako po si Phillip Salvador, hindi po ako abogado, hindi po ako doktor, hindi po ako engineer. Ako po ay isang artista na PDP. Na magiging epektibong magserbisyo sa mga Pilipino!" bahagi ng kaniyang acceptance speech.
Inimbitahang magsalita si Ipe dahil isa siya sa line-up ng mga kakandidatong senador sa 2025, sa ilalim ng nabanggit na political party. Ang ilan sa mga makakasama niya rito ay pawang re-electionist na sina Sen. Francis Tolentino, Sen. Bong Go, at Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.
Ayon kay Ipe, isa sa mga kumumbinse sa kaniya upang tumakbo sa pagkasenador, bukod kay Duterte, ay si Go. Aniya, marami raw siyang natututuhan sa nabanggit na senador.
Kasama ring dumalo sa nabanggit na event si Sen. Robin Padilla.
Sinabi pa ni Ipe na matagal na niyang hinintay ang pagkakataong ma-endorso siya ng PDP. Aniya, handa raw niyang ibigay ang buhay niya kay dating pangulong Duterte.
"Ang tagal ko nang hinintay ito. Kung 'yong sinasabi n'yo, mahal n'yo si PRRD, ako, ibibigay ko ang buhay ko para sa kaniya," ani Ipe.
Willing din umanong gawin ni Ipe ang biopic ni Duterte sa isang pelikula, kung sakaling matutuloy ito.
MAKI-BALITA: Phillip Salvador tatakbong senador sa 2025, inendorso ng PDP