Nakatakda nang simulan sa susunod na buwan ang pagpapatupad ng adjusted working schedule sa mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).

Sa isang press conference nitong Biyernes, inanunsiyo ni San Juan City Mayor at Metro Manila Council (MMC) president Francis Zamora na nagdesisyon ang konseho na mula sa dating plano na Abril 15 ay simulan na lamang ang implementasyon ng adjusted working hours sa Mayo 2.

Metro

Iskedyul para sa Undas, maagang inilabas ng Manila North Cemetery

Ayon kay Zamora, ito'y upang mabigyan ang mga LGUs at ang publiko ng sapat na panahon upang makapaghanda.

“Napagkasunduan po natin na yung inilunsad po na magiging 7:00AM to 4:00PM work schedule sa mga LGUs dito po sa Metro Manila, ito po ay sisimulan na natin sa May 2 na po,” dagdag pa ng MMC president.

Nauna rito, matatandaang nagpasa ang MMC ng resolusyon na nagmamandato sa pag-a-adjust ng working hours sa LGUs.

Mula sa tradisyunal na 8:00AM -5:00PM ay napagpasiyahan nilang gawin itong at 7:00AM-4:00PM.

“The persistent traffic congestion in Metro Manila demands innovative solutions for the improvement of commuting conditions and the well-being of the citizens of the NCR,” bahagi ng resolusyon.

Pinayuhan na rin ng MMC ang mga LGUs na magpasa ng ordinansa hinggil sa pagpapatupad ng adjusted working schedule.

Nabatid na mayroong 112,000 ang mga empleyado ng mga LGUs sa Metro Manila.