Higit pang tumaas at umabot na sa mahigit 1,000 ang pertussis cases na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa, gayundin ang mga pasyente nitong binawian ng buhay dahil sa naturang sakit.

Lumilitaw sa datos na inilabas ng DOH nitong Martes na mula Enero 1 hanggang Marso 30, nakapagtala na sila ng 1,112 kaso ng pertussis sa Pilipinas.

Ayon sa DOH, ito ay halos 34 na ulit umanong mas marami kumpara sa 32 kaso lamang na naitala noong nakaraang taon.

Sa naturang kabuuang bilang, 54 pasyente naman umano ang binawian ng buhay.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Anang DOH, sa kabuuang bilang ng ng pertussis na naitala, 77% ang wala pang limang taong gulang ang edad habang ang mga adults naman na nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas ay nasa 4% lamang.

Dagdag pa ng DOH, sa nakalipas na anim na linggo, nakitaan din umano nila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis ang mga rehiyon ng Eastern Visayas, Cagayan Valley, CARAGA, Central Luzon, at Cordillera Autonomous Region.

“The DOH is cautious in interpreting trends. The number of cases may still change as there may be late consultations and reports. Furthermore, the effects of increasing immunization efforts to stem the outbreak may not be seen in the data until 4-6 weeks after they are started,” pahayag naman ng DOH.

Paniniguro pa ng ahensiya, patuloy silang nagsasagawa ng mga pamamaraan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis, na kilala rin sa mga tawag na whooping cough, ubong dalahit at tusperina.

Kabilang na anila rito ang pagpapaigting pa ng kanilang pagbabakuna laban sa sakit.

“Even as Pertussis cases are rising, the Department of Health (DOH) assures the public that outbreak response immunization is underway,” anang DOH.

Iniulat din naman ng DOH na ang stock ng national government ng pentavalent (“5-in-1”) vaccine, na dating iniulat na mayroon pang 64,400 doses hanggang noong Marso 25, ay unti-unti na rin umanong nauubos sa ngayon.

Gayunman, ipinag-utos na anila ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa ang paggamit ng iba pang opsiyon ng bakuna, kabilang na rito ang Diphtheria-Tetanus-Pertussis (DTP) upang maiwasan ang pagkakaroon ng gaps habang hinihintay pa nila ang pagdating ng bagong batch ng tatlong milyong pentavalent vaccines.

Patuloy pa rin naman umanong may stock ng pentavalent at TDaP vaccines sa merkado ang pribadong sektor.

Ani Herbosa, “We anticipate a shortage in government pentavalent vaccine supply by May, and this is the gap we are now addressing. We will have another type of vaccine, the DTP – Diphtheria, Tetanus, and Pertussis. Also, there are pentavalent and TDaP vaccines available for purchase in the private sector; there is no physical shortage. We will welcome any offers of support and assistance from our private sector partners.”