Patay ang isang pedicab driver nang pagsasaksakin ng kanyang kapwa pedicab driver dahil lamang sa matagal na nilang alitan sa agawan ng pasahero sa Sampaloc, Manila nitong Lunes ng madaling araw.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Carlito Cansino, 64, residente ng F. Cayco St., sa Sampaloc dahil sa malalim na saksak sa ilalim ng kanyang kili-kili habang nakatakas naman ang suspek na si Alejandro Quequegan, na residente naman ng Alley 1 St., sa Sampaloc.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PSSG Zedric dela Cruz, ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), na dakong alas-5:15 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa F. Cayco St., kanto ng Alley 1 St., sa Sampaloc.

Nauna rito, nagtagpo umano ng landas ang dalawa sa naturang lugar sanhi upang maungkat ang matagal na nilang alitan hinggil sa agawan ng pasahero.

Nagkaroon umano ng kumprontahan ang dalawa hanggang sa magbunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na mahaharap sa kasong pagpatay.