May 22, 2026

Home BALITA National

'Baliw ako? Bobo ako?' VP Sara, pinabulaanan pagbato ng laptop kay Atty. Poa

'Baliw ako? Bobo ako?' VP Sara, pinabulaanan pagbato ng laptop kay Atty. Poa
Photo courtesy: OVP, File Photo

Dumepensa si Vice President Sara Duterte para pabulaan ang kumalat na intriga tungkol sa pambabato umano niya ng laptop sa kaniyang spokesman at defense counsel na si Atty. Michael Poa. 

Matatandaang nag-ugat ang isyung ito sa naging pahayag ng abogadong si Atty. Lorna Kapunan sa isang radio interview noong Martes, Mayo 5, 2026, at pinatutsada niyang tinamaan nga raw siguro sa ulo ng laptop si Poa dahil sa inis ni VP Sara sa pag-usad ng impeachment case laban sa kaniya. 

“Nagkakagulo na ‘yong messaging nila sa defense team, no? Sabi ni Atty. Poa in an interview we are ready to go to the Senate. But kahapon lang meron na siyang if we go to the Senate. Siguro tinamaan nga ng laptop yun sa ulo, no?‬ ‘Yon ang sinasabi ng mga trolls, e,” ani Kapunan. 

Ayon naman sa naging pahayag ni VP Sara noong Miyerkules (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 6, sinabi niyang hindi raw siya kailanman nambato ng laptop o cellphone sa kaniyang abogado o mga kasamahan. 

“Never in the history, sa aking trabaho, nagtapon ako ng aking laptop sa isang colleague o sa isang empleyado or sa isang abogado,” pagsisimula niya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Paglalatag ni VP Sara, wala naman daw kasi siyang makukuhang benepisyo sa pagtatapon ng gadget.

“Unang una, kapag nagtapon ka ng laptop o kapag nagtapon ka ng cellphone, wala siyang benefit sa iyo and syempre wala siyang benefit sa tatamaan ng laptop or cellphone,” aniya. 

Depensa ng Bise, hindi rin naman daw siya gumagamit ng laptop dahil hindi siya marunong mag-computer. 

“Pangalawa, hindi ako gumagamit ng laptop kasi hindi ako marunong gumamit ng computer. Sa lahat ng mga documents, nere-rely ko lang ‘yan sa kasamahan sa opisina,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “Minsan gumagamit ako ng laptop. Gamit ko ‘yon kapag may Zoom meeting para maganda ‘yong image sa Zoom meeting. Laptop ang ginagamit ko, hindi cellphone.” 

Pagpapatuloy ni VP Sara, mahal daw ang presyo ng kaniyang laptop kasi personal niya itong binili dahil hindi raw kaya ng gobyernong bilihin ang nais niyang brand. 

“Sunod ay ‘yong laptop ko, personal ko siya na laptop. Binili ko siya, mahal siya, and hindi ko siya itatapon basta-basta kasi masisira siya at magastos bumili ng bagong laptop,” ‘ika niya. 

Paglilinaw pa niya, “Tinatanong n’yo kung bakit private ‘yong laptop ko, hindi ma-afford ng gobyerno ‘yong gusto ko na laptop…” 

Buwelta niya, basurang tsismis lang daw ang naturang kumakalat na isyu dahil gusto raw ng mga kalaban niyang magkalat ng kung ano-anong naratibo laban sa kanya. 

“Basura siya na tsismis. Katulad ng sabi ko kahapon, ginagawa ng kalaban na misinformation o disinformation para guluhin ang kuwento at paboran ‘yong naratiba na gusto nilang ipalabas,” diin niya. 

Parang ano ba ang gusto nilang ipalabas na naratiba? Baliw ako? Bobo ako? Pro-China ako? Competent?” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kung ma-impeach: 'Yan ay sinulat na ng Diyos'

KAUGNAY NA BALITA: 'Baka doon siya mamatay:' VP Sara, tikom sa usaping impeachment kay FPRRD