Inaasahang makararanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon ngayong Huwebes, Marso 28, dahil sa easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA, malaki ang tsansang magdulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan Valley at Aurora.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, posibleng magdulot ang easterlies, maging ang localized thunderstorms, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa sa easterlies at ang localized thunderstorms.

Maaari rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).