Patuloy na nagdudulot ang easterlies ng mainit na panahon, na may tsansa ng pag-ulan, sa mga bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Marso 26.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, at Quezon.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki ang tsansang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa sa easterlies at ang localized thunderstorms.

National

'HELLO, SUMMER!' PAGASA, idineklara pagtatapos ng Amihan season sa bansa

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Matatandaang noong Biyernes, Marso 22, nang ideklara ng PAGASA ang pagtatapos ng Amihan season at pagsisimula ng tag-init sa bansa.