Naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang rider na nag-viral makaraang saksakin ang gulong ng isang delivery van sa isang road rage incident sa Quezon City kamakailan.

Dahil dito, posibleng suspendihin ng ahensya ang driver's license ng naturang rider. 

Sa social media post ng LTO, binanggit na mismong si LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante ang pumirma sa nasabing show cause order.

National

Erwin Tulfo, tatakbo raw na senador sa 2025 dahil kay PBBM

Natukoy aniya ang rider sa pamamagitan ng plaka ng kanyang motorsiklo na nakita sa nasabing video.

Inatasan ng LTO ang naturang rider na humarap sa LTO Main Office sa Lunes, Marso 25, upang magpaliwanag.

“Due to the gravity/severity of the acts of the rider, please be informed that the motorcycle with plate number 851QBN will be temporarily placed under alarm preventing any and all transactions while the case is under investigation,” bahagi ng kautusan ng ahensya.

Paliwanag naman ni LTO chief Vigor Mendoza II, magsilbi sanang paalala ang show cause order sa mga motorista na iwasang maging marahas sa kalsada.

“Marami na tayong naparusahan dahil sa road rage at muli ay pinaalalahanan natin ang ating mga kababayang motorista na iwasan ito dahil kayo rin ang malalagay sa alanganin,” anang opisyal.

Sa naturang video, makikitang nagtatalo ang rider at driver ng van hanggang sa bumunot ng matulis na bagay ang una at isinaksak sa unahang gulong ng sasakyan bago ito tumakas.