Pambu-bully, tuloy pa rin: PH resupply boat, binomba ng tubig ng China Coast Guard
Nakatikim na naman ng pambu-bully ang tropa ng pamahalaan mula sa China Coast Guard (CCG) matapos silang harangin at bombahin ng tubig sa gitna ng routine rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Sabado.
Sa pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG), napinsala nang husto ang resupply boat na Unaizah May 4 (UM4) dahil sa pambobomba ng tubig ng isa sa mga barko ng CCG.
Sa video na inilabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP), makikitang hinahabol ng CCG vessel (21551) ang resupply boat na papalapit sa Ayungin Shoal bago nito isagawa ang water cannon attack, dakong 6:08 ng umaga.
Nagsagawa rin ito ng mapanganib na pagmamaniobra laban sa UM4.
Hindi pa nakuntento, ipinilit din ng CCG vessel ang "reverse blocking maneuver" na muntik nang magdulot ng banggaan dahil papalapit na sa Ayungin Shoal ang resupply boat.
Sa X post ng AFP. isa pang barko ng CCG ang bumomba rin ng tubig sa UM4 na nagdulot ng pinsala sa bubong ng resupply boat.
"The UM4 supply boat sustained heavy damage at around 08:52 due to the continued blasting of water cannons from the CCG vessels," ayon sa report ng AFP.
Hindi nakaligtas ang BRP Cabra sa pambu-bully ng China CG at Chinese maritime militia matapos itong harangin ng mga nasabing barko.
Ang BRP Cabra ay escort ng resupply boat, ayon sa AFP.