Inihayag ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na wala silang ipapataw na parusa sa guro mula sa viral video na nagpagalit sa mga estudyante at nagbitaw ng mga salitang tulad ng “ang kakapal ng mukha ninyo” at “wala kayong mararating sa buhay.”
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Marso 21, sinabi ni Duterte na hindi dapat parusahan ang guro dahil tao lamang naman daw ito na nagagalit tuwing nafu-”frustrate.”
“Tao lang ‘yung teacher. Lahat tayo umaabot sa puntong nagagalit tayo lalo kapag nafu-frustrate tayo,” ani Duterte.
“This is especially true sa mga teacher, dahil ang mga teacher natin hindi lang isa na tao ‘yung kausap nila. Ang isang klase mayroong from 25 to 45 sometimes 55 students,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng kalihim ng DepEd na sinabihan na niya ang kanilang regional office na paalalahanan ang naturang guro na tumigil na muna sa pagka-klase kapag siya ay galit.
“If she is angry, she has to pause. Itigil muna ‘yung klase, and when she’s not angry anymore, saka siya magklase ulit,” saad ni Duterte.
Matatandaang base sa viral TikTok video ng gurong may username na “Serendipitylover” na kumalat na rin sa Facebook at X (dating Twitter), pinapagalitan nito ang kaniyang mga estudyante dahil umano sa hindi magandang ugali ng mga ito.
Maririnig sa video ang pagbibitaw ng guro ng mga salitang tulad ng “ang kakapal ng mukha ninyo” at “wala kayong mararating sa buhay,” bagay na binatikos naman ng ilang netizens sa social media.
“Nakakalimutan n’yo ‘yung ano n’yo ha, ‘yung boundaries n’yo. Nakakalimutan n’yo ‘yung boundaries nyo. Una sa lahat hindi n’yo kami binabayaran dito para magtau-tauhan at gawing robot at gawin n’yong katatawanan sa harapan. Pangalawa, hindi ako nag-board exam para lang hindi irespeto ng mga katulad n’yong wala pa namang nararating sa buhay,” anang guro sa video.
“Ang kakapal ng mga mukha n’yo! Hindi n’yo nga kayang buhayin ang mga sarili n’yo. Hindi kayo marunong rumespeto,” dagdag niya.