Apat na kongresista ang “tumutol” sa panukalang bawiin ang prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.

Sa isang sesyon nitong Miyerkules, Marso 21, “nag-no” sina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Duterte Youth party list Rep. Drixie Mae Cardema at Kabayan party list Rep. Ron Salo sa House Bill 9710 na naglalayong bawiin na ang prangkisa ng Swara Sug Media Corp., na nagpapatakbo sa SMNI.

Samantala, 284 mambabatas ang bumotong pabor, dahilan kaya’t naipasa ang panukala sa pangatlo at huling pagdinig.

National

Kamara, inaprubahan pagbawi sa prangkisa ng SMNI

Inihain umano ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang naturang panukala dahil sa umano’y pagpapakalat ng SMNI ng mga maling impormasyon, pagiging sangkot sa “red-tagging,” at paglilipat ng ownership nang walang “congressional approval.”

Matatandaang kamakailan lamang ay naghain ng contempt order ang House Committee on Legislative Franchises laban kay Quiboloy dahil sa paulit-ulit umano nitong hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay ng naturang prangkisa ng SMNI.

https://balita.net.ph/2024/03/12/house-committee-pina-contempt-na-si-quiboloy/

Bukod naman sa kinahaharap ng SMNI, matatandaang nag-isyu kamakailan ang Senado ng arrest order laban kay Quiboloy matapos nitong pagulit-ulit na hindi dumalo sa imbestigasyon ng Senate Committee hinggil sa umano’y mga pang-aabusong kinasasangkutan ng pastor at ng KOJC.

https://balita.net.ph/2024/03/19/zubiri-nilagdaan-na-arrest-order-vs-quiboloy/