Tiniyak ng Toll Regulatory Board (TRB) na puspusan na ang paghahanda ng mga toll operators sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan sa mga expressways, bunsod na rin nang paggunita sa Mahal na Araw sa susunod na linggo.

Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpuz, ito ay kasunod na rin ng kautusan ng Department of Transportation (DOTr) na maglatag na ang ahensiya ng kanilang preparasyon para sa Semana Santa.

National

VP Sara sa kaniyang plano sa politika: ‘It is always God’s purpose that shall prevail!’

Ani Corpuz, ang hangarin nila dito ay mabigyan ng ligtas, kumportable, at maayos na paglalakbay ang mga motorista sa nasabing relihiyosong okasyon.

Inaasahan na aniya nilang maraming motorista ang daraan sa kanilang mga kalsada at maglalabas-masok sa Metro Manila sa nasabing panahon.

Sa kanilang pagtaya, pinakamaraming bibiyaheng motorista pagsapit ng Miyerkules Santo.

Dagdag pa niya, magpapaskil din sila ng mas maraming traffic signages at maglalagay ng mga karagdagang ambulant tellers.

Magde-deploy rin umano sila ng karagdagang enforcers, patrol officers, at mga security guards, sa mga entry at exit points ng expressways.

Sinabi ni Corpuz na upang maiwasan ang aksidente, maglalagay rin sila ng mga engineering interventions gaya ng mga barriers upang mapigilan ang posibleng pag-counterflow ng mga motorista.

Ang Mahal na Araw ay magsisimula sa Marso 24, Linggo ng Palaspas, at magtatagal hanggang Marso 31, Linggo ng Pagkabuhay.