“Extremely heartbreaking” para kay Popstar Royalty Sarah Geronimo ang nangyari sa isang alagang golden retriever na si “Killua” na natagpuan na lamang sa sako matapos daw paslangin ng kapitbahay ng fur parent nito.

Trending sa X nitong Martes, Marso 19, ang #JusticeForKillua matapos i-post sa Facebook ng fur parent na si “Vina Rachelle” ang naturang nangyari sa kaniyang minamahal na fur baby.

MAKI-BALITA: #JusticeForKillua: Post ng fur mom tungkol sa pinaslang, isinakong fur baby viral na

Kaugnay nito, sinabi ni Sarah sa isang X post nito ring Martes na hindi dapat sinasaktan ang mga aso dahil tulad ng mga tao ay nakararamdam din sila.

“This news is extremely heartbreaking. Walang kalaban-laban 'yung aso. Katulad nating mga tao, nakakaramdam din sila ng takot at sakit. Every life deserves respect and protection. It's time to demand accountability and raise our voices against animal cruelty,” ani Sarah.

“Let's unite in being the voice for the voiceless. Killua.. we will fight for you,” dagdag pa niya.

Samantala, matapos kunin ng netizens ang atensyon ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), sinabi nitong tutulong din sila sa fur parent ni Killua kaugnay ng susunod na magiging hakbang para makamit nito ang hustisyang nararapat para sa kaniya.

MAKI-BALITA: PAWS kinakalampag para sa #JusticeForKillua