Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang paglabas ng “arrest order” laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy dahil wala umano itong karapatang “yurakan” ang dignidad ng Senado.

“It’s so good,” saad ni Hontiveros sa isang press briefing nang tanungin ang kaniyang nararamdaman habang hawak ang naturang kopya ng “arrest order” laban kay Quiboloy nitong Martes, Marso 19.

“Walang karapatan si Quiboloy na yurakan ang dignidad ng Senado. Ang pambabastos niya sa institusyong ito ay hindi dapat palampasin,” saad pa niya.

Ayon pa sa senadora, dakong 2:00 raw ng hapon nang matanggap nila ang “arrest order” na nilagdaan ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

MAKI-BALITA: Zubiri, nilagdaan na arrest order vs Quiboloy

Kaugnay nito, naghayag din ng pasasalamat si Hontiveros kay Zubiri, maging sa mga “naglakas-loob” na tumestigo umano laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinasalamatan si Zubiri sa paglagda sa ‘arrest order’ vs. Quiboloy

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, kung saan si Hontiveros ang chairperson, ang mga alegasyon ng pang-aabusong kinasasangkutan ni Quiboloy at ng KOJC.

Nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat kamakailan na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”