Mariing itinanggi ng Office for Transportation Security (OTS) na bumalik ang modus na “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang naturang pahayag ng OTS ay matapos makitaan ng naka-plastik na isang bala ang bag ng mag-asawang pasahero sa NAIA na magtutungo sa Thailand.
Itinanggi naman ng misis na si “Charity” na sa kanila iyon at ipinakita ang lisensya ng kaniyang baril na kaiba sa balang nakita sa kanilang bag.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni OTS Officer-in-Charge Jose Briones na ang “tanim-bala” ay nakaraan na at hindi raw totoong nagbabalik ito.
“Tanim-bala is a thing of the past. We can always present all available data, pictures and video para mapasinungalingan namin 'yung sinasabi nila,” giit ni Briones.
Ayon pa kay Briones, posible umanong sa mag-asawa talaga ang naturang bala dahil gumagamit daw ang mga airport ng automated system para ma-screen ang mga gamit ng mga pasahero.
“Kapag ‘yung bag ay may suspicious item, ‘yung computer, ‘yung machine na mismo ang magse-separate ng bag niya and then that baggage will be subjected for baggage inspection. That’s the only time na hahawakan ‘yan ng baggage inspector natin. Lumalabas sa atin (na sa kaniya), kasi nasa bag niya eh,” aniya.
Samantala, pinanindigan ni Charity na hindi sa kanila ang balang nakita sa kanilang bag.
“Hindi. Kasi meron po kaming license. At the same time, sinong sira-ulong gun owner ang magdadala sa loob ng airport na naka-plastic pa ‘yung bala? Anong gagawin ko doon?” saad ni Charity.
Sa kabila ng pangyayari, pinayagan naman umanong sumakay ng eroplano at hindi na sinampahan ng kaso ang mag-asawa.
“Hindi, especially kung 1 or 2 pieces lang, kasi marami namang nagdadala niyan. Sa paniniwala ng iba, it is anting-anting. Daily, nakaka-encounter kami ng ganitong incident,” saad ni Briones.
Kaugnay nito, matatandaang nag-viral naman kamakailan sa social media ang mga nakitang insekto sa NAIA, tulad ng surot, daga, at ipis.
https://balita.net.ph/2024/02/29/may-surot-sa-naia-miaa-nag-sorry-sa-mga-nakagat-na-pasahero/
https://balita.net.ph/2024/03/01/pagkatapos-ng-surot-daga-nakita-rin-daw-sa-naia/
https://balita.net.ph/2024/03/04/hindi-lang-surot-at-daga-ipis-namasyal-din-sa-naia/
https://balita.net.ph/2024/03/11/nasa-5-daga-naispatang-nagsisigapangan-sa-sulok-ng-naia/