Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Marso 12.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Davao Region, Caraga, Aurora at Quezon bunsod ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region dahil sa malamig na hanging amihan. Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.
Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Matatandaang inihayag ng PAGASA nitong Lunes, Marso 11, na posibleng matapos na ang pag-iral ng amihan sa bansa sa susunod na linggo.