Binati ni Senador Risa Hontiveros ng “Happy International Women’s Month” sina Senador Robin Padilla, Imee Marcos, Cynthia Villar, at Bong Go, ang apat na senador na lumagda sa “written objection” para sa pigilan ang “contempt order” niya laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Apollo Quiboloy.

“Happy International Women’s Month pa rin sa aking mga colleague,” ani Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, sa isang press conference nitong Lunes, Marso 11.

Ayon kay Hontiveros, nirerespeto naman niya ang mga “prerogative” ng mga kapwa niya senador, ngunit sana raw ay masiyasat pa ng mga ito ang testimonya ng mga tumayong witness sa pagdinig ng komite kaugnay ng mga alegasyong ibinabato kay Quiboloy. 

“I respect the prerogatives of my fellow senators, pero may kaunting oras pa naman para ma-review nila ang mga testimonya ng witnesses sa ating mga hearing, lalo na ang mga kababaihan,” saad ni Hontiveros.

National

Casiño sa pahayag ni PBBM hinggil sa impeachment vs VP Sara: ‘He only deepens culture of impunity!’

“Hopeful pa rin ako na maitataguyod ang mga prinsipyo ng transparency, accountability, at moral responsibility,” dagdag pa niya.

Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, ang ruling na i-contempt si Quiboloy. 

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Harapan namang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa naturang ruling ni Hontiveros, nangangahulugang walong pirma mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan niyang makalap para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Noong Huwebes, Marso 7, inanunsyo ni Padilla na bukod sa kaniya ay lumagda na rin sa “written objection” ang mga senador na sina Marcos, Go, Villar, at JV Ejercito.

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

Makalipas naman ang ilang oras ay binawi ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy

Dahil dito, apat na lagda pa ang kailangan ni Padilla para mapigil ang pag-contempt kay Quiboloy, at mayroon pa umano siyang hanggang Lunes para kumalap ng pirma.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat noong Huwebes, Marso 7, na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”