Posibleng matapos na ang pag-iral ng northeast monsoon o malamig na hanging amihan sa bansa sa susunod na linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Marso 11.

Sa weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Obet Badrina na inaasahang mararamdaman pa ang epekto ng amihan sa ilang bahagi ng Northern at Central Luzon ngayong linggo.

“Itong hanging amihan, inaasahan natin na magpapatuloy pa rin ngayong linggo at posible next week, third week of March, normally natatapos ‘yung panahon ng amihan,” ani Badrina.

Pagdating naman sa magiging panahon sa susunod na 24 oras, inihayag ni Badrina na ang amihan at easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ang patuloy na nakaaapekto sa bansa.

Ayon din sa tala ng PAGASA, inaasahang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region.

Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at sa localized thunderstorms.

Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).