Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Marso 10.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa Bicol Region, at ng katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon.

Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms.

Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).