'FROM THIS TO THIS!'
Tila sinuwerte ang isang solo parent mula sa Negros Occidental matapos mapanalunan ang mahigit ₱35 milyon jackpot prize ng Lotto 6/42, gamit ang huling ₱50 na nasa kaniyang bulsa.
Sa ulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan, ibinahagi nilang napanalunan ng solo parent ang naturang premyo nang matagumpay na nahulaan ang winning combination na 22-34-42-19-03-25 sa pamamagitan ng "Lucky Pick."
Kuwento ng lucky winner, hindi niya inaasahan ang pagkapanalo dahil ordinaryong araw lang daw 'yon.
Aniya, pagkatapos niyang bumili ng mga supply para sa kanilang maliit na sari-sari store bigla niyang naalalang tumaya sa lotto gamit ang huling ₱50 na nasa kaniyang bulsa.
Sa halip daw na tayaan ang mga paboritong numero, pinili niyang tumaya sa Lucky Pick.
“Parang hindi totoo noong una,” saad ng lucky winner na 15 taon nang tumataya sa lotto.
Dagdag pa niya, gagamitin niya ang napanalunan para sa edukasyon ng kaniyang mga anak at para sa negosyo.
Binobola ang Lotto 6/42 tuwing Martes, Huwebes, at Sabado.