“Sana maintindihan n’yo kung saan ako nanggagaling.”

Ito ang panawagan ni Senador Robin Padilla matapos niyang sabihing gagawin niya ang lahat para mapigil ang contempt order at pag-isyu ng warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church leader Apollo Quiboloy dahil may utang na loob umano ang mga Pilipino sa pastor.

Sa isang panayam sa radyo ng DWIZ nitong Sabado, Marso 9, iginiit ni Padilla na ipaglalaban niya si Quiboloy dahil nakasama raw nila ito sa paglaban noong mga panahong wala pa umanong nagsasalita kontra sa “armed struggle.”

"Itong mamang ito, may utang na loob tayo rito. Lumaban ‘to. Patunay ‘yan na noong panahon na walang nagsasalita against armed struggle, kasama namin ‘yan. Paano namang hindi ko ipaglalaban ‘yan?" giit ni Padilla.

"Sana maintindihan n’yo ako. Sana maintindihan n’yo ako kung saan ako nanggagaling," dagdag pa niya.

Matatandaang sa nagdaang pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy. 

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa naturang pagdinig.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Harapan namang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa naturang ruling ni Hontiveros, nangangahulugang walong pirma mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan niyang makalap para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Nito lamang namang Huwebes, Marso 7, inanunsyo ni Padilla na may apat pang mga senador na lumagda na sa “written objection” kaugnay ng contempt order laban kay Quiboloy. Ito ay sina Senador Imee Marcos, Senador Cynthia Villar, Senador Bong Go, at Senador JV Ejercito.

MAKI-BALITA: Robin, pinangalanan 4 senador na ‘nagtatanggol’ din kay Quiboloy

Makalipas ang ilang oras ay binawi naman ni Ejercito ang kaniyang lagda matapos umano niyang siyasatin ang “facts” at testimonya ng mga witness laban sa pastor.

MAKI-BALITA: Matapos siyasatin witness testimonies: JV, binawi pirma sa objection letter para kay Quiboloy

Dahil dito, apat na lagda pa ang kailangan ni Padilla para mapigil ang pag-contempt kay Quiboloy, at mayroon pa umano siyang hanggang Lunes, Marso 11, para kumalap ng pirma.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat noong Huwebes, Marso 7, na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”