Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang mapalad na mananaya mula sa Camarines Sur ang pinalad na makapag-uwi ng ₱15.8 milyong jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola nitong Miyerkules ng gabi.
Sa isang advisory, sinabi ng PCSO na napanalunan ng lucky bettor ang ₱15,808,068.20 MegaLotto 6/45 jackpot matapos na matagumpay na mahulaan ang winning combination nito na 06-15-37-11-35-33.
Anang PCSO, nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Naga City, Camarines Sur.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang lucky winner na magtungo sa PCSO main office sa Mandaluyong City upang makubra ang kanyang premyo.
Kailangan din aniya nitong iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin naman si Robles na mayroon lamang isang taon ang lucky winner, mula sa petsa ng pagbola, upang kubrahin ang kanyang premyo.
Paliwanag niya, ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang toan ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Alinsunod naman aniya sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang lahat ng lotto winnings na lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% na buwis.
Muli ring inanyayahan ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga palaro ng PCSO upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ang Mega Lotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes.