Pinangalanan ni Senador Robin Padilla ang apat pang mga senador lumagda na sa "written objection" kaugnay ng contempt order ni Senador Risa Hontiveros laban kay Pastor Apollo Quiboloy.  

Sa isang press conference nitong Huwebes, Marso 7, sinabi ni Padilla na lima na raw ang nakalap niyang pirma matapos din daw lumagda ang mga kasamang niyang senador na sina Senador Imee Marcos, Senador Cynthia Villar, Senador Bong Go, at Senador JV Ejercito.

“Kailangan ko pa ng tatlo… Meron pa akong bukas, Sabado, Linggo, sana mapagbigyan pa tayo ng mga hindi pa nagsasabi na hindi sila pipirma,” saad ni Padilla.

Ayon pa sa senador, personal siyang tumatawag sa mga kapwa niya senador para sa kanilang pirma sa naturang written objection para sa pastor.

National

PBBM, itinangging nagbitiw na si DND chief Teodoro: 'Imbento 'yan ng mga desperado!'

“Anuman ang kahinatnan nitong aking mosyon na bawiin sana 'yung contempt, ang mahalaga sa akin dito ay ipinaglalaban ko ‘to. Kasi demokrasya ito eh. Magkakaiba tayo ng prinsipyo. Hindi ito usapin na kaibigan ko si pastor, hindi 'yun. Walang ganoong klaseng ano, hiwalay ‘yun,” giit ni Padilla.

Matatandaang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga alegasyong kinahaharap ni Quiboloy at ng KOJC noong Martes, Marso 5, inihayag ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, ang ruling na i-contempt si Quiboloy.

Pinaaaresto na rin ng senadora ang pastor matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig ng Senado.

MAKI-BALITA: Hontiveros, pinaaaresto si Quiboloy

Samantala, sa naturang pagdinig ay harapang ipinahayag ni Padilla ang kaniyang pagtutol sa ruling ni Hontiveros laban kay Quiboloy.

Dahil dito, walong pirma raw mula sa mga miyembro ng komite ang kinakailangan para mapawalang bisa ang pag-contempt sa pastor.

MAKI-BALITA: Robin harapang kinontra si Hontiveros, pinagtanggol si Quiboloy

Kasama sa mga miyembro ng komite sina Senador Nancy Binay, Pia Cayetano, Cynthia Villar, Grace Poe, Imee Marcos, Raffy Tulfo, Christopher Lawrence Go, Joseph Victor Ejercito, Mark Villar, at Padilla.

Nagsisilbi rin bilang ex officio members na sina Senador Loren Legarda, Joel Villanueva, at Koko Pimentel.

Nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng prosecutors sa Pasig City at Davao City si Quiboloy kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla