Pinaimbestigahan daw ng lead actor at director ng “FPJ’s Batang Quiapo” na si Coco Martin ang pumanaw niyang co-star na si Jaclyn Jose.

Sa isang episode ng “Cristy Ferminute” noong Martes, Marso 5, sinabi ni showbiz columnist Cristy Fermin na si Coco raw ang unang rumesponde kay Jaclyn nang hindi na tumutugon sa mga tawag ang huli.

“Tumatawag ang kaniyang mga kaibigan, kasamahan, at pamilya hindi sumasagot sa mga tawag nila. Doon sila nagkaisip na puntahan na,” saad ni Cristy.

“At si Coco kasama niya ang mga taga-SOCO noong magpunta doon at kailangang maimbestigahan. Natural lang po ‘yon dahil parang nanay na niya si Jaclyn,” aniya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Dagdag pa ng showbiz columnist: “Silang dalawa ang magkasama sa unang soltada pa lang ng pagiging aktor ni Coco Martin. At si Jaclyn Jose ang nagsabi kay Coco na ‘pasukin mo na ang mainstream. Kayang-kaya mo na ‘yan.’ Kasi mahiyain si Coco, e. Sobrang mahiyain.”

Kaya naman, sabi ng co-host ni Cristy na si Romel Chika, gano’n na lamang daw ang pagtanaw ng utang na loob ni Coco kay Jaclyn.

Matatandaang bago pa man sila maging magkatrabaho sa “Batang Quiapo,” nakasama na ni Coco si Jaclyn sa ilang pelikula ni award-winning director Brillante Mendoza gaya ng “Serbis,” “Masahista,” at “Apag.”

Samantala, sa Instagram post na @cocomartinph_ mababasa ang tribute sa namayapang aktres.

Nagsimulang lumabas ang ulat tungkol sa pagyao ng batikang aktres noong Linggo ng gabi, Marso 3, na kinumpirma naman ng kaniyang management.

MAKI-BALITA: Jaclyn Jose, pumanaw na

MAKI-BALITA: PPL Entertainment, kinumpirma ang pagpanaw ni Jaclyn Jose