Daan-daang mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy ang nagkasa ng prayer rally sa Liwasang Bonifacio sa Ermita, Maynila upang manawagan umano ng hustisya para sa kaniya.

Sa ulat ng Manila Bulletin, ibinahagi ng Manila Police District (MPD) na umabot sa 800 ang mga dumalo sa "Kapangyarihan at Kalayaan Ibalik sa Taong-Bayan' (KAKISAB) Prayer Rally” nang magsimula ito dakong 3:00 ng hapon nitong Lunes, Marso 4.

Makikita rin sa placards na hawak ng mga dumalo ang mga mensaheng tulad ng: "Justice for Pastor Apollo Quiboloy," "Resign Risa Hontiveros," "Restore freedom of expression," at "Stop human rights abuses."

Matatandaang nito lamang ding Lunes nang ianunsyo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng prosecutors sa Pasig City at Davao City si Quiboloy ng mga kasong “child abuse” at “qualified trafficking” dahil sa umano’y krimeng ginawa nito noong 2011 laban sa isang babaeng 17-anyos pa lamang nang mga panahong iyon.

National

Casiño sa pahayag ni PBBM hinggil sa impeachment vs VP Sara: ‘He only deepens culture of impunity!’

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Kaugnay nito, sa isang pahayag nito ring Lunes ay sinabi ni Senador Risa Hontiveros na isang tagumpay ang pagkaso kay Quiboloy para sa mga babaeng sinamantala umano ng pastor.

MAKI-BALITA: Hontiveros sa pagkaso kay Quiboloy: ‘Tagumpay ito para sa bawat babaeng inalipusta niya’

Si Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality na nag-iimbestiga sa umano’y mga pang-aabusong ginawa ng KOJC at ni Quiboloy.

Nahaharap ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

Kamakailan lamang ay isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Kaugnay nito, naglabas din kamakailan ang Senado ng subpoena laban sa pastor matapos itong hindi dumalo sa pagdinig ng komite.

MAKI-BALITA: Subpoena vs Quiboloy, nailabas na – Hontiveros

Samantala, sa isang pahayag kamakailan, itinanggi ni Quiboloy ang naturang mga alegasyon at sinabing pinag-aagawan daw siya ng mga babae dahil single siya.

MAKI-BALITA: Quiboloy, itinangging nang-abuso ng mga babae: ‘Pinag-aagawan nila ako’