Patuloy pa ring nakaaapekto ang trough ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Pebrero 29.
Sa ulat ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region dulot ng trough ng LPA sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR). Posible raw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malakas na pag-ulan.
Malaki naman ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Aurora, at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon.
Kaugnay nito, sinabi ng PAGASA na sa ngayon ay humihina ang pag-iral ng amihan sa bansa at inaasahang mas kakaunti na lamang daw na mga lugar sa Northern at Central Luzon ang maaapektuhan nito sa mga susunod na araw.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms. Posible umano ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: