Nabanggit ng rapper at composer na si Aristotle Pollisco o mas kilala bilang “Gloc 9” ang tungkol sa pagreretiro niya sa kaniyang piniling karera sa latest episode ng “On Cue” nitong Martes, Pebrero 27.

Naibahagi kasi ni Gloc 9 sa naturang episode ang collaboration nila ni “Mr. Pure Energy” Gary Valenciano sa 25th anniversary concert nito sa industriya.

“Nabanggit ni Sir Gary [Valenciano] ‘yong 25th anniversary. Isa ‘yan sa monumental moments ng career ko. Ako’y pinayagan ni Sir Gary na mag-rap,” saad ni Gloc 9.

“Kung iisipin mo, ‘yong ginawa kong verse sa song ni Sir Gary ay 32 bars na mabilis na rap na kinompress mo sa isang verse. So, siguro dahil sa kabataan ko ako’y laban pa. Ilan taon yata ako noon? Baka parang mga early 20s,” aniya.

Musika at Kanta

National Artist for Music nominee Gilopez Kabayao, pumanaw na

Kaya naman, todo-pasasalamat si Gloc 9 kay Gary dahil ang naturang concert nito ang isa raw sa mga iniisip niya kapag nawawalan na siya ng rason para ipagpatuloy ang kaniyang career.

“Noong gabi na ‘yon, sinabi ko sa kaniya na kalahati lang ng magawa ni Sir Gary ang medyo maabot ko ay okay lang. And this is my 27th years. I always say this, pwede na akong tumigil. Marami na akong iiwanan na alam ko na kaya nang buhatin ang music na ginawa ko nang matagal na panahon,” sabi ni Gloc 9.

Dugtong pa niya: “Pero ‘yong makita ko si Sir Gary; ‘yong commitment niya sa kaniyang craft; kung paano niya ito mahalin, ‘yon e para akong bumabalik sa 25th anniversary concert ni Sir Gary."

Samantala, sa huling bahagi ng nasabing panayam, ikinuwento rin ni Gloc 9 ang tagumpay ng kanta niyang “Sirena” na kalaunan ay magiging regalo pala niya sa anak niya nang iladlad nito sa kaniya ang gender nito.

MAKI-BALITA: Gloc 9, inilantad ang kasarian ng anak