Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Pebrero 27, dahil sa trough ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Rhea Torres na namataan ang mga kaulapan o trough ng LPA sa timog na bahagi ng Mindanao.
Kaugnay nito, inaasahan daw na makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region dulot ng trough ng LPA at ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko. Posible raw ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malakas na pag-ulan.
Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon.
Bukod dito, posible rin daw magdala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, maging sa Western Visayas.
Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o sa localized thunderstorms. Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: