Sa panahon ngayong mas lumaki pa at naging komplikado ang mga kinahaharap na hamon ng mga guro kaugnay ng pagtuturo, isang social media post mula sa isang gurong nasa serbisyo sa loob ng 15 taon ang nagdulot ng inspirasyon sa kaniyang mga kabaro.
Ayon sa gurong si Kimphee De Leon o mas kilala sa tawag na "Teacher Dylan," marami raw siyang napagtanto sa loob ng halos lagpas-dekadang pagtuturo sa isang pampublikong paaralan.
"As someone who has taught in a classroom for the past 15 years, I have learned from my experience that there are lessons in life that are important and underrated, which I consider to be valuable," aniya.
Saad ng guro, mas marami at mas malalim pa raw ang dahilan ng pagiging guro niya. Nais daw niyang maging instrumento ng pagbabago ng mga batang maaaring mabago ang buhay, sa pamamagitan ng patas at may pusong pagtuturo. Kung anuman daw ang ginagawa niya sa mga mag-aaral ay bunga lamang ng mga binhing naipunla sa kaniya ng mga gurong naghatid ng inspirasyon sa kaniya.
"(x) Hindi ko pala gusto maging pinakamagaling o tanghalin na pinakamahusay o pinakapipitagan na guro. At magtamo at makatanggap nang sandamakmak na sertipiko o pagkilala."
"(x) Hindi ko pala gusto maalala bilang pinakamabait o maunawain o kung ano pa mang bansag ang maaring itawag sa akin."
"(1) Gusto ko lang pala maging instrumento upang kahit papaano may buhay na mabago. At magawa ‘yun sa paraan ng pagtuturo nang patas at may puso."
"Sa maraming aspeto, binago ng mga guro ko ang aking buhay. Noon hanggang sa kasalukuyan. At nawa ay sa simpleng paraan na alam ko, naibahagi ko rin ang kakayahan ko para sa mga kabataan."
"Upang sa susunod ay sila naman."
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"You will always be part of our journey and individual success, Sir! We are proud of you! 🫶🏻 You truly made a difference in the lives of your learners 🫶🏻."
"Pag nakakabasa ako ng ganito, mas minamahal ko ang pagtuturo ☺️ 1 month palang me as a public servant (grabe ang adjustment) and 5 years in private. Minsan napapagod, pero if makikita mga learners, naiisip natin ang purpose natin bakit suot natin ang uniporme. ♥️ Thank you sir."
"Very well said my dear, that's our true essence as a teacher!!! God bless you always!"
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Dylan, siya ay nagturo ng 11 taon sa Novaliches High School Quezon City para sa asignaturang MAPEH para sa Junior High School (2011-2022).
Sa kasalukuyan, siya ay Assistant Professor II at nagtuturo sa Cavite State University (CVUS-Main) sa ilalim ng College of Sports Physical Education and Recreation (CSPEAR), at iba pang professional education courses.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!