Ipinahayag ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na nagtatago raw siya ngayon dahil nasa panganib ang kaniyang buhay matapos umanong makipagsabwatan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa United States (US) para “patayin” siya.

Sa isang pahayag na inilabas ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa YouTube nitong Miyerkules, Pebrero 21, sinabi ni Quiboloy na boses lang niya sa ngayon ang paraan niya upang maglabas ng pahayag kaugnay ng mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya dahil nagtatago umano siya para sa kaniyang kaligtasan.

Ayon kay Quiboloy, mula noong 2018 pa umano ay ramdam nilang hindi na sila ligtas sa Pilipinas dahil sini-surveillance daw sila ng Central Intelligence Agency (CIA) at Federal Bureau of Investigation (FBI).

"Dumating po sa aming kaalaman sa mga sandaling ito from reliable sources, correct me if I’m wrong, na ayaw na raw po nila ng extradition treaty. Ang kanila raw pong gagawin, ng CIA, ng FBI, ng US Embassy at State Department, kasabwat ng ating gobyerno, ng Pangulong Marcos, at ng First Lady, at kung sino pa man ang nasa gobyerno, rendition ang kanilang gagawin," ani Quiboloy.

Subpoena vs Quiboloy, nailabas na – Hontiveros

"Ang rendition, ibig sabihin po, anumang oras pwede nilang pasukin ang aking compound at ako ay kidnapin. It's not only rendition but also elimination. If it is possible, pwede nila akong i-assassinate. Nandoon po sa dalawang iyon: kidnapping or assassination. Killing talaga, murder,” dagdag niya.

Sinabi rin ng pastor na sinu-surveillance umano ng drones ang kaniyang 11 na compounds, at naghihintay na lang umano ang kabilang kampo para siya ay “kidnapin” o kaya “patayin.”

“Ang ulo ko po ngayon, may patong na $2 million o P100 million. Baka iyan ay madagdagan pa kung may unang makapatay sa’kin,” saad pa ni Quiboloy.

Habang isinusulat ito’y wala pang pahayag ang Malacañang hinggil sa mga alegasyon ng pastor.

Nahaharap umano si Quiboloy sa 43 na kaso sa Amerika, kabilang na ang sex trafficking at fraud.

Samantala, naglabas kamakailan ng subpoena ang Senado at Kamara laban sa pastor kaugnay ng mga umano’y pang-aabuso ng KOJC, at ng mga nilabag umano ng SMNI.

Kamakailan lamang, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Sa kaniyang pahayag nitong Miyekules ay itinanggi naman ni Quiboloy na nang-abuso siya ng mga babae dahil ang totoo umano’y siya ang pinag-aagawan ng mga ito.

https://balita.net.ph/2024/02/22/quiboloy-itinangging-nang-abuso-ng-mga-babae-pinag-aagawan-nila-ako/