Nasunog at hindi pinugutan ang dalawa sa anim na sundalo na napatay sa naganap na military operations laban sa Maute Group sa Munai, Lanao del Norte kamakailan.

Ito ang paglilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr., sa isang radio interview nitong Miyerkules.

Aniya, tinamaan ng bala ang isang butane canister na ginagamit na pangluto ng mga sundalo kaya ito sumabog at lumikha ng apoy na naging dahilan ng pagkasunog ng dalawa sa anim na sundalo.

National

Umano'y 'white substance' na inabot kay PBBM, isang lapel pin daw sey ng PCO

"Hindi totoo na sinunog sila ng mga Maute, hindi rin totoo na napugutan sila. In fact, hindi nakalapit ang kalaban dahil lumaban po ang mga tropa natin," sabi pa ni Brawner.

Inilabas ni Brawner ang pahayag bilang tugon sa kumalat na larawan ng anim na napatay na sundalo na sinasabing sinunog matapos pugutan ng mga miyembro ng nasabing terrorist group.

Matatandaang nakasagupa ng mga tauhan ng 44th Infantry Battalion (IB) at ng 3rd Scout Ranger Battalion ng Philippine Army ang nasabing grupo sa Barangay Ramain, Munai nitong Linggo, Pebrero 18 na ikinasawi rin ng tatlong miyembro ng Maute group.

Ang naturang grupo ay itinuturong nasa likod ng pambobomba sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU)-Marawi campus noong Disyembre 3, 2023 na ikinasawi ng apat katao.