Tila talagang “diyosa” raw ng overseas Filipino workers (OFWs) si Anne Curtis matapos niyang sagutin ang plane ticket pauwi ng tatay ng isang contestant sa “It’s Showtime” na nagtatrabaho sa Dubai.

Sa isang episode ng “Tawag ng Tanghalan Kids” nitong Lunes, Pebrero 19, naiyak ang contestant na si “Princess” nang batiin niya ang kaniyang tatay na OFW, at sinabing gusto na niya itong makita ulit.

“Daddy, sana pagkabalik n’yo po, sana po ma-hug na po kita. Sana bumalik na po kayo,” mensahe ni Princess sa kaniyang ama habang umiiyak.

Na-touch naman si Anne sa message ng contestant, at sinabing siya na ang sasagot sa plane ticket ng ama nito pauwi.

Risa Hontiveros, may hirit sa birthday ni Anne Curtis

“Alam mo, Princess, bilang naman katatapos ko lang mag-birthday, gusto kong i-share ang blessings ko. Oras na pinayagan na ang papa mo sa work na umuwi, ako na sasagot ng ticket niya pauwi,” ani Anne.

“Bilang gift ko sa 'yo, at bilang saludo ako sa mga OFW natin, sasagutin ko na 'yung ticket ng papa mo pauwi,” dagdag niya.

“Ikaw na talaga ang Diyosa ng OFWs,” saad naman ni Karylle.

“We should pay it forward, and I believe ang ating mga OFW, dapat nating sinasaludo ‘yan. At ramdam na ramdam ko ang pagka-miss mo sa papa mo,” naiiyak na pagtutuloy ni Anne.

Matatandaan namang nag-viral kamakailan ang “hirit” tungkol sa pag-uwi ng OFWs sa birthday ni Anne dahil sa isang episode sa “It’s Showtime” kung saan napag-usapan ang pagka-homesick ng OFWs sa kanilang pamilya lalo na tuwing may espesyal na mga okasyon.

Kaugnay na Balita: