Inamin ni “Primetime King” Coco Martin na namroblema raw noon siya sa mga artista ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Kaya sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes, Pebrero 19, sinabi ni Coco na ang mga pagkakamali raw niya sa nasabing serye ay itinatama niya ngayon sa “FPJ’s Batang Quiapo.”

“Lahat ng mga kakulangan, pagkakamali ko noon sa ‘Probinsyano’ ngayon itinatama ko lahat. Pati ‘yong quality, actors. Dati kasi kapag naisipan ko na sa isang kuwento, itotodo ko agad, e,” saad ni Coco.

“Ngayon talaga binabalanse ko. Kasi na-experience ko sa ‘Probinsyano’ namroblema na ako sa artista kasi halos lahat nai-guest namin, e,” aniya.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pero sa kabila nito, hindi pa rin daw makapaniwala si Coco na kasama niya sa eksena ang kaniyang mga iniidolong artista sa industriya.

“Noong dinidirek ko ‘yong eksena ni Jaclyn Jose saka ni Tita Irma [Adlawan], namimilipit talaga ako. Direktor ako no’n, ha,” sabi ni Coco.

“Hindi ko sila ma-cut. Kasi sabi ko: ‘Ang sarap nilang panoorin.’ Napakagaling. Para silang nagboboksing na ‘di mo maintindihan. Hayup!” dugtong pa ng aktor. 

Matatandaang inilabas na ng ABS-CBN Entertainment nitong Pebrero 17 ang 1st anniversary trailer ng “Batang Quiapo,” na pahiwatig na rin ng pagsisimula ng bagong yugto nito para sa ikalawang taon ng teleserye.

Bukod sa anak ni Vhong Navarro, kasama rin sa mga bagong artistang aabangan sa nasabing serye sina Elijah Canlas, Jaime Fabregas, Tessie Tomas, Malou Crisologo, Ara Davao, at marami pang iba.

MAKI-BALITA: Anak ni Vhong Navarro, sasabak sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’