Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes, Pebrero 19, na kasalukuyang nasa Pilipinas si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy, na inisyuhan ng subpoena ng Senado.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, base sa kanilang files ay noong Hulyo 2023 umano ang huling “arrival” ni Quiboloy sa bansa.

Nauna nang inanunsyo ni Senador Risa Hontiveros nito ring Lunes na lumabas na ang subpoena laban kay Quiboloy kaugnay ng imbestigasyon ng Senate committee on women sa umano’y mga pang-aabusong ginawa ng KOJC.

“We expect you, Quiboloy, to respect that subpoena and finally show up to our Senate investigation. Huwag n’yo pong ismolin ang Senado dahil hindi po kami titigil hangga’t makamit ng mga biktima ang katarungan at kapayapaan,” mensahe ni Hontiveros kay Quiboloy.

Subpoena vs Quiboloy, nailabas na – Hontiveros

Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

Kamakailan lamang, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Hindi naman sumipot ang pastor sa naturang isinagawang pagdinig, dahilan kaya’t inisyuhan siya ng subpoena.

https://balita.net.ph/2024/01/23/matapos-di-sumipot-sa-senate-probe-quiboloy-inisyuhan-ng-subpoena/