Matapos ang “Konsyerto sa Palasyo,” inanunsyo ng Malacañang ang paglulunsad nila ng "Goldenberg: The Concert Series” na naglalayon umanong isulong ang Filipino heritage sa kabataan.

Sa isang Facebook post nitong Linggo, Pebrero 18, ibinahagi ng Philippine Presidential Communications Office (PCO) ang isang post ng Social Secretary’s Office hinggil sa naturang concert series.

"Join us as we bridge students to the heart of Filipino musicians, artists, culture, and the arts," pahayag naman ng Social Secretary’s Office sa kanilang post.

"Let the melodies of our heritage inspire, uplift, and unite us all. Stay tuned for an unforgettable experience!" dagdag nito.

National

PBBM, nanguna sa konsyerto sa Malacañang

Pinaalalahanan naman ng PCO ang publiko na abangan ang susunod na posts ng Social Secretary’s Office para sa mga update tungkol sa concert series, katulad na lamang ng petsa kung kailan ito magsisimula.

Inspired daw ang "Goldenberg: The Concert Series” kay Stella Goldenberg Brimo, anak ng French-Jewish Businessman na si Michael Goldenberg na may-ari ng makasaysayang Goldenberg Mansion sa San Miguel, Manila. Kilala rin siya bilang isang soloista, concert pianist, at propesor sa University of Sto. Tomas Conservatory of Music at St. Paul’s College.

Samantala, matatandaang noong nakaraang taon nang ganapin sa Malacañang ang "Konsyerto sa Palasyo" concert series na inialay sa mga sundalo, atleta, at guro ng bansa.