Mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ang nagsabing dapat makipagtulungan ang pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa inilabas na survey ng OCTA Research nitong Linggo, Pebrero 18.

Sa 2023 fourth quarter “Tugon ng Masa” survey ng OCTA, 55% daw ng mga Pinoy ang naniniwalang dapat makipagtulungan ang administrasyong Marcos sa ICC, habang 45% ang tutol dito.

Pagdating sa bawat rehiyon, ang pinakamataas daw na bilang ng mga Pinoy na naniniwalang dapat makipagtulungan ang pamahalaan sa ICC ay nagmula sa Balance Luzon (65%). Sinundan ito ng Metro Manila (52%), Visayas (50%), at pinakamababa sa Mindanao (42%).

Isinagawa raw ng OCTA ang nasabing survey mula Disyembre 10 hanggang 14, 2023, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na nasa 18 pataas ang edad.

Remulla, nanindigang walang jurisdiction ICC sa PH: ‘Our system has proven its efficacy’

Mayroon itong ±3% margin of error at confidence level na 95%.

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.

Samantala, matatandaang inihayag kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin “Boying” Remulla na naninindigan siyang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

Ito ay matapos iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itinuturing niyang “banta” sa soberanya ng bansa ang ICC at hindi umano makikipagtulungan ang pamahalaan sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

https://balita.net.ph/2024/01/23/pbbm-i-consider-icc-as-a-threat-to-our-sovereignty/

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/02/09/ex-pres-duterte-di-raw-pahuhuli-nang-buhay-sa-icc-uubusin-ko-yang-mga-png-ig-yan/