Inihayag ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang pasasalamat sa mga Pilipino sa Malaysia na kaniyang nakasalamuha at nakakuwentuhan sa kaniyang pagbisita sa naturang bansa kamakailan.

Sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Pebrero 17, sinabi ni Duterte na labis siyang nagalak dahil nakasama niya ang kaniyang mga kababayan na nakatira at nagtatrabaho sa iba't ibang bahagi ng Malaysia.

“Nakakatuwa pong malaman ang mga kwento ng kanilang mga tagumpay at kaligayahan. Nakakataba rin po ng puso na marinig ang ganitong kwento at malaman na masaya sila kahit malayo man sila sa bayang sinilangan,” kuwento ni Duterte.

“Ang iba naman, ramdam ko po ang kanilang pananabik sa kanilang mga pamilya at mga kaibigan dito sa Pilipinas,” dagdag pa niya.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Samantala, sinabi rin ng bise presidente na masaya siyang malaman na nakatulong ang kaniyang presensya upang maibsan ang pangungulila ng mga Pilipino doon na umuwi sa Pilipinas.

“Iba nga ang pakiramdam na makita at makasama ang kapwa Pilipino sa bansang dayuhan,” ani Duterte.

“Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap at masayang kwentuhan mga mahal kong kababayan sa Malaysia. Panalangin ko ang kaligtasan at tagumpay ninyong lahat,” saad pa niya.

Bumisita si Duterte sa Malaysia kamakailan dahil sa kaniyang gampanin bilang pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO).