“Not everything Rizal writes is correct.”

Nakatala sa kasaysayan ng bansa na naging inspirasyon ng bayaning si Jose Rizal sa pagsulat niya ng kaniyang nobelang “El Filibusterismo” ang tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomes, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora, mas kilala bilang “GomBurZa,” na pinaslang noong Pebrero 17, 1872.

Ngunit base sa dedication page ng “El Filibusterismo,” mayroong mga detalye tungkol sa GomBurZa na isinulat ni Rizal ang hindi tama, ayon sa historyador na si Ambeth Ocampo.

Sa isang Facebook post noong 2022, ipinakita ni Ocampo ang dedication page ng original manuscript ng El Fili, kung saan nakasaad dito ang: “Francisco (sic) Gomez (sic), Jose Burgos and Jacinto Zamora executed on the gallows of Bagumbayan on __February 1872.”

BaliTanaw: Ang pagpaslang sa GomBurZa na nagpaalab sa puso ng mga Pilipino

Ibinahagi rin ng historyador ang nakalagay na printed edition ng nobela na unang inilathala sa Ghent sa Belgium noong 1891: “To the memory of the priests Mariano Gomez (85 years old), Jose Burgos (30 years old) and Jacinto Zamora (35 years old) executed in the gallows of Bagumbayan on 28 February 1872.”

Courtesy: Ambeth Ocampo/FB

Pagtatama ni Ocampo, hindi raw tama ang “Gomez” na apelyido ni Padre Mariano dahil dapat daw ay “s” ito, o Padre Mariano “Gomes.”

Bukod dito, mali rin daw ang binanggit ni Rizal na mga edad ng tatlong pari noong binitay sila.

“Gomes (with an "S" not a "Z") was 73 not 85 at the time of execution, Burgos was 35 not 30, and Zamora was 37 not 35,” ani Ocampo.

Sinabi rin ng historyador na hindi totoong “Pebrero 28” ang petsa ng pagbitay sa GomBurZa dahil ito raw ay noong Pebrero 17, 1872.

“Textbook history should teach us that not everything Rizal writes is correct,” saad ni Ocampo.