Ngayong Sabado, Pebrero 17, ginugunita ng Pilipinas ang makasaysayang pagpaslang sa tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomes, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora, mas kilala bilang “GomBurZa,” na nagpaalab sa puso ng mga Pilipino para ipaglaban ang tunay na kalayaan mula sa mga mananakop.

Ayon sa mga historyador, noong Pebrero 17, 1872 nang bitayin ng mga Kastila ang tatlong Katolikong paring martir sa pamamagitan ng garote matapos silang pagbintangan ng subversion na iniugnay sa 1872 Cavite Mutiny.

Bago ito, isinusulong nina Padre Burgos at Padre Gomes ang sekularisasyon na sinimulan ng unang namayapang pari na si Padre Pedro Pelaez. Ipinaglaban nila ang karapatan ng mga paring Pilipino na mangasiwa ng mga parokya.

Hindi naman sang-ayon dito ang mga paring Kastila, at mula noon ay hindi na naging maganda ang tingin nila sa naturang mga Pilipinong pari.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Nang mag-aklas ang mga Pilipino sa Cavite laban sa mga mananakop noong 1872, nabigo ito. Doon na dinakip sina Padre Gomes, Padre Burgos, at maging si Padre Zamora. Pinagbintangan at pinalabas ng mga mananakop na sila ang mga nasa likod ng nasabing rebolusyon, at hinatulan sila ng kamatayan.

Nang mangyari ang naturang madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa, bata pa lamang daw ang bayaning si Jose Rizal. Ngunit nasaksihan niya kung paano ginarote ang GomBurZa sa Bagumbayan na ngayon ay Luneta o Rizal Park.

Ang naturang pagkamatay ng GomBurza ang nagsilbing inspirasyon ni Rizal sa kaniyang nobelang “El Filibusterismo.” Ayon pa sa historyador na si Ambeth Ocampo, idineklara rin ni Rizal sa isang sulat na kung wala ang 1872, wala rin daw sana ang mga bayaning tulad nina Marcelo H. del Pilar at Graciano Lopez Jaena.

Bukod dito, naging passcode din ang “GomBurZa” ng mga katipunero na lumaban para sa kalayaan ng Pilipinas. Sa kanilang paglaban, namigay rin daw ang bayaning si Andres Bonifacio sa mga Katipunero ng mga itim na piraso ng tela, na sinasabing pinutol mula sa mga sutana ng GomBurZa, bilang kanilang mga anting-anting.

Kamakailan lamang, ipinalabas sa mga sinehan ang isang pelikulang tumatalakay sa buhay ng GomBurZa para magsilbing inspirasyon sa mga Pilipino sa kasalukuyan at mapag-alab ang kanilang mga pusong makabayan.

Para sa Pilipinas, para sa Los Filipinos!