Dahil sa pagbubunyag ng pekeng people's initiative o PI, patuloy ang pag-atake kay Majority Leader Joel Villanueva. Kaya sa pagkakataong ito, nagpahayag ng buong suporta ang ilan sa mga kapwa niyang senador.

Matatandaang kabi-kabila ang umano'y pambabatikos ng ilang mga kongresista kay Villanueva.

Para sa mga senador, masipag, epektibo, at tapat na public servant si Villanueva. Anila, hindi rin daw dapat ilayo ng mga kritiko ang usapin sa totoong isyu.

"I hope our friends in the House are circumspect. Hindi maganda ang mga paratang na ganyan. It is not good for inter-parliamentary courtesy. Tayo po rito ay nagtatrabaho," saad ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inilarawan naman ni Senador Pia Cayetano na "outspoken" at "vocal" si Villanueva sa mga isyung may kinalaman sa kapakanan ng publiko.

"Tayo ay naninindigan at nagbibigay ng suporta dahil ang gustong gawin ng ating kaibigan ay trabaho," anang senadora.

Pinuri naman ni  Senador Sonny Angara ang ginawang pangunguwestiyon ni Villanueva tungkol sa signature drive ng people's initiative para amyendahan ang 1987 constitution. Kaya aniya, hindi raw dapat palagpasin ang pambabatikos o atake laban sa majority leader.

"It's not something to trifle with. Hindi po biro, seryosong usapan ito. I would like to pay tribute to our Majority Leader for fighting for our institution, but more than that, for fighting for the Filipino people," ani Angara.

Saksi naman umano si Deputy Majority Leader JV Ejercito sa kasipagan ni Villanueva sa pagtatrabaho. Katunayan, kadalasan daw nilang pinag-uusapan ang tungkol sa isyu ng korapsyon at kahirapan.

Samantala, sinabi ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa sa mga kritiko ni Villanueva, na atakihin ang senador tungkol sa isyu ng PI at huwag atakihin nang personal.

"To those who want to attack Sen. Joel Villanueva, please attack him on the issues that we are tackling. Do not attack him personally, because kung personal na attack-an na ito, they will be attacking the 23 senators who are solidly behind Sen. Joel Villanueva. This is how we do it in the Senate," aniya.

Nagpasalamat naman si Villanueva sa mga suportang natanggap niya sa kaniyang mga kapwa senador. Aniya, mas nagkaroon siya ng lakas ng loob na manindigan at makipaglaban.

"Nakakataba po ng puso ang suporta ng ating mga kasamahan sa Senado kaya mas lalo po tayong nagkakaroon ng lakas ng loob na manindigan at makipaglaban hindi lamang po para sa institusyon kundi lalong-lalo na para sa ating mga kababayan," anang majority leader.

"Marami na pong nagawa ang inyong Senado, pero kulang pa at alam ko po bilang miyembro ng institusyong ito na maraming-marami pa tayong magagawa para sa bayan. Kaya magtrabaho na po tayo."