Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung gaano kahalaga para sa kaniyang buhay ang kaniyang chief presidential legal counsel na si Juan Ponce Enrile, na nagdiwang ng ika-100 kaarawan nitong Miyerkules, Pebrero 14.

Sa ginanap na lunch sa Malacañang para ipagdiwang ang kaarawan ni Enrile, sinabi ni Marcos na malaking tulong ang kaniyang 100-anyos na chief presidential legal counsel para mas makatulog nang maayos tuwing gabi.

"He is a remarkable person and I’m just so happy to have known him. First through my father and now as we have found work together, I must admit to have him in my corner, allows me to sleep better at night than if he were not there," anang pangulo.

Ayon pa kay Marcos, kay Enrile raw siya humihingi ng payo noong mga araw na nagpoprotesta siya nang matalo sa pagka-bise presidente noong 2016 national elections, maging noong nagbabalak pa lamang siyang tumakbo bilang pangulo ng bansa noong 2022 national elections kung saan naman siya nanalo.

100-anyos na Enrile, sinabing ‘happiest moment’ niya ang pagsilbihan ang mga Marcos

"There was a time when I was still protesting the vice-presidential election and I would often go to see Tito Johnny and I would say 'what do you think I should do?', 'what advice can you bring me?' and he would provide me of the best advice that I could get,” ani Marcos.

"But before I would leave he always left me a reading list, it was like I was back in Oxford that they were giving me a reading list, mga limang libro.”

Sinasabihan rin daw si Marcos noon ni Enrile na kapag nabasa na niya ang mga librong ibinibigay nito sa kaniya, handa na siyang maging pangulo ng bansa.

"I said, 'well, we're not thinking of that', [sabi niya,] 'basta basahin mo.’ Hindi mo pwedeng sabihing 'yes, tito, binasa ko na. Okay na.’ Ah hindi, may examination, may quiz," kuwento ni Marcos.

Samantala, sinabi naman ni Enrile na sa 100 taon niyang pamamalagi sa mundo, ang pinakamasayang sandali sa kaniyang buhay ay ang pagsilbihan si PBBM at ang ama nitong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Matatandaang sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Marcos Sr., unang nagsilbi si Enrile bilang Undersecretary of the Department of Finance noong 1966. Naging kalihim din siya ng Department of Justice mula 1968 hanggang 1970, at kalihim ng National Defense mula 1970 hanggang 1971 at nare-appoint noong 1972.

Samantala, pinangunahan din ni Enrile ang EDSA People Power Revolution noong 1986 na nagpatalsik sa rehimeng Marcos.

Sa kasalukuyan, si Enrile ay nagsisilbi bilang Chief Presidential Legal Counsel ni PBBM.

https://balita.net.ph/2024/02/12/through-the-years-mga-pangulo-ng-pilipinas-na-naabutan-ni-juan-ponce-enrile/